RIZAL: PAG-IBIG SA PERLAS NG SILANGANAN

Maria Chloe Cabanes
5 min readFeb 10, 2021

--

https://www.joserizal.com/wp-content/uploads/2013/09/jose-rizal-writing.jpg

Kung makakapagsalita lamang ang mga taong nabuhay sa panahon ng mga espanyol, marahil ay hindi sila magkakandamayaw sa tuwa at kagalakan na malamang ang kanilang sakripisyo ay nagbunga, na ang kalayaan ay nakamit ng Pilipinas. Ngunit, batid natin na sa henerasyon na ito, bilang na lamang ang mayroong paki sa nakalipas.

Kaliwa’t kanan sa ating mga social media ang mga posts na patungkol sa pag-alala ng ibang mga tanyag na pangyayari, ang kaarawan ng mga iniidolong artista, ang mga anibersaryo ng isang sikat na vlog sa youtube at iba pa. Sa katunayan naman, wala naman akong nakikitang mali doon. Ngunit may napansin lamang ako, bakit tila mas marami ang nakakaalala sa mga ganoong bagay ngunit sa araw ni Rizal ay hindi man lang malaman kung ano ang petsa nito?

Mayroon isang pangyayari na may nagtanong sa akin kung bakit raw walang klase sa araw ng 12 ng Hunyo, anong holiday ang raw idinidiriwang. Hindi agad ako nakasagot at maamang ko lamang siyang tiningnan pero napagtanto ko na hindi pala siya nagbibiro sa kanyang tanong. Hindi niya alam na ang ipinagdidiriwang natin sa ika-12 ng hunyo kada taon ay ang ating Araw ng Kalayaan.

Marahil kung tatanungin tayo ay halos lahat ay makakasagot kung sino si Rizal. Aba’y siguro ay may sasagot ng ‘iyong nasa piso’ o di kaya’y ‘si Rizal, iyong ating pambansang bayani na sumulat ng Noli Me Tangere’. Marami sa atin ay may lubos na kaligiran patungkol sa katauhan ng ating pambansang bayani, ngunit sa kabila ng kamulatan sa kanyang mga ginawa, bakit marami ang hindi nagpapahalaga sa kanya? Halina’t kilalanin pa natin si Rizal.

BATANG RIZAL AT KANYANG EDUKASYON

Isa si Rizal sa mga nagsakripisyo upang makamit ang ating kalayaan na ating tinatamasa ngayon. Si Dr. Jose Protacio Mercado Alonzo Rizal y Realonda o simpleng Dr. Jose Rizal ay isa sa 11 anak nina Don Francisco Mercado at Doña Teodora Alonzo na ipinanganak noong ika-19 ng Hunyo 1861 sa Calamba, Laguna. Tatlong taon pa lamang ito ay nagsimula na siyang mag-aral ng abakada. Ang naging unang guro ni Rizal ay ang kanyang ina. Bata pa lamang ang ating bayani ay nakitaan na siya ng interes sa pag-aaral kapansin –pansin din ang galing nito. Nabigyan siya ng pormal na edukasyon noong siya’y pitong taong gulang na. Sa tulong ng kanyang kapatid na si Paciano, pumunta sila sa Binan, Laguna para makapag-aral sa ilalim ng pamamahala ni Padre Justiniano Aquino Cruz. Ang kanyang kapatid na si Paciano na noon ay naging mainit sa mata ng mga espanyol dahil sa pagiging malapit nito kay Padre Burgos ay nagpasya na palitan ang kanilang apilyedong Mercado ng Rizal sa hangad nitong maprotektahan ang kapatid mula sa mga espanyol.

PUSO PARA SA BAYAN

Noon pa man ay batid na ni Rizal na mayroong mali sa sistema ng pamamalakad sa Pilipinas. Ang kanyang mga katanungan ay patuloy na lumalawak at nababatid niyang kailangan niya ng sagot sa mga ito. Bakit naghihirap ang mga Pilipino sa sarili nitong bayan? Bakit Pilipino ang ginagawang alipin sa sarili nitong lupa? Ito ay ilan lamang sa mga katanungan na nagtulak kay Rizal upang ipalaban ang kalayaan ng Pilipinas. Isa sa mga nagbukas ng kamalayan kay Rizal tungkol sa mga maling pamamalakad at pang-aabuso ng mga espanyol na nasa pwesto ay ang pagbubukas ng Suez Canal. Ang Suez Canal ay ang pinabilis na ruta mula Asya hanggang Europa. Ngunit hindi lamang ang mga kalakal na pang-komersyo ang na-import, kundi pati na rin ang mga libro, magasin, at pahayagan na naglalaman ng mga liberal na ideya mula sa mga Amerikano at Europa ay kabilang sa na-import sa Pilipinas. Dito na nagsimulang umusbong ang damdaming nasyonalismo kay Rizal at sa maraming pang ilustrado.

Dahil sa hangarin na maimulat ang mga kapwa Pilipino sa kamalayaan mula sa pang-aabuso ng mga mananakop, isinulat niya ang kanyang dalawang libro na pinamagatang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na isang mahabang nobela patungkol sa mga maling gawa at pang-aalipin ng mga Espanyol. Lubos itong ikinagalit ng mga taong nasa mataas na pwesto sapagkat batid nila na marami ang mamumulat na Pilipino. Ngunit hindi lang ito ang mga ginawa ng ating bayaning si Rizal, nagtatag siya ng La Liga Filipina, isang lihim na samahan ng mga illustrado. Ang pangunahing layunin nito ay maging malaya ang Pilipinas sa Espanya sa mapayapang paraan.

Ang samahang La Liga Filipina ay pansamantalang itinigil nang hulihin at ipatapon si Rizal sa Dapitan noong Hulyo 7, 1892. Si Rizal ay namalagi kay Don Ricardo Carnicero y Sanchez, ang komandante ng hukbong Espanyol sa lugar. Malayo man sa lugar na kinagisnan, hindi ito naging handlang kay Rizal upang ipagpatuloy ang nasimulan. Nagtrabaho si Rizal sa Dapitan bilang isang manggagamot. Ang kanyang mga pasyente ay mga mahihirap na hindi makabayad at mga mayayaman na nagbabayad ng malaki sa kanyang paglilingkod. Nang tumira ang kanyang ina sa Dapitan sa loob ng isa’t kalahating taon, ginamot din ito ni Rizal. Nakilala ang kahusayan ni Rizal sa panggagamot kahit na siya ay nasa Dapitan, sinasadya siya ng mga pasyente mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Naging interes din ni Rizal ang mga lokal na halamang gamot. Itinayo ni Rizal ang isang sistema ng patubig sa Dapitan upang magkaroon ng malinis na tubig sa bawat bahay ng Dapitan. Inumpisahan niya ang ilang proyektong pangkomunidad sa Dapitan: (1) Paglilinis ng mga latian upang mawala ang malaria; (2) Paglalagay ng pailaw sa lansangan ng Dapitan at; (3) Pagpapaganda ng liwasan at ang paglalagay ng mapa ng Mindanao sa plasa.

Ang malaking panahon ni Rizal ay ginamit din niya sa pagtuturo ng mga kabataan sa Dapitan. Tinuruan niya ang mga ito ng mga aralin sa wika, heograpiya, kasaysayan, matematika, gawaing industriyal at iba pa. Natapos ang kanyang apat na taon, at bago siya umalis ng dapitan, naglabas siya ng isang manifesto na tinatanggihan ang rebolusyon na noon ay nababadyang pumutok.

HULING SANDALI

Ilang sandali bago ang pagpatay sa kanya, humiling ang heneral ng siruhano ng Espanya na kunin ang kanyang pulso; at normal ito. Ang kanyang huling mga salita ay “consummatum est”, — na ang ibig sabihin ay tapos na ito.

ANG PAG-IBIG SA PERLAS NG SILANGANAN

Ipinamalas ni Jose Rizal ang kanyang walang hanggang pag-ibig sa bayan sa pamamagitan ng pagmulat ng mga Pilipino kahit sa kabila ng magiging kahihinatnan niya. Napagpasyahan niya na ang pagmamahal sa bayan ay dapat na humalili sa lahat ng iba pang mga pagsasaalang-alang, kahit na ang kanyang pamilya o kanyang sarili, o kahit na ang babaeng kanyang minamahal. Mula sa kanyang pakikipagkaisa sa mga kaibigan at pamilya, nanatiling pare-pareho sa kanyang musa at kanyang hangarin: ang Inang bayan at ang kanyang kalayaan.

--

--

Responses (3)